Camille Simone Escobido

Setyembre 19, 2022


chika ala sad girl muna

“Ngunit ngayon, kay bilis maglaho ng kahapon. Sana’y huwag kalimutan ang ating mga pinagsamahan.” – ilang linya na hinding hindi ko malilimutan sa awiting Minsan ng bandang Eraserheads. Sa tuwing ito ay aking pinakikinggan, tiyak na ako ay palaging mapapabalik-tanaw sa mga napagdaanan naming magkakaibigan. Mga alaalang may halong pait ngunit anuman ang mangyari mas nangingibabaw ang mga masasayang alaala. Sa puntong ito, lantaran na siguro na talagang malapit ang aking puso sa aking mga kaibigan. Sila ay nagkaroon ng malaking kontribusyon sa aking pagkatao sa ngayon kaya naman nang magsimula ang malawakang pandemiya, kakaibang lungkot ang aking naramdaman. Ang mga huling pagkakataon na sana ay susulitin bago tuluyang maghiwa-hiwlay dulot ng pagpasok sa iba’t ibang unibersidad sa kolehiyo ay tila parang nanakaw mula sa amin.



move on na teh tara, DC?

Gaano man kasaklap ang karanasang ito, hindi naman maaaring palagi na lang tayong nakalugmok sa kalungkutan. Lumipas lang ang ilang sandali at sa tulong na rin ng kulturang popular, nagkaroon din kaming magkakaibigan ng bagong paraan upang makapag-usap at kahit papaano ay makapag-bonding sa isa’t isa. Natuklasan namin ang paggamit ng isang instant messaging social platform na tinatawag na Discord o DC kapag pinaikli. Bago pa man magsimula ang pandemiya, kilala na ang platapormang ito sa mga online gamers. Mayroon kasi itong mga servers na maihahalintulad sa group chats na tinatawag sa iba pang mga plataporma.“Bakit sa Discord pa kung mayroon namang ibang plataporma?” Nako, sinasabi ko sa inyo, maraming features ang DC na bukod-tangi sa lahat. Batay sa aking kaalaman, sa iisang server ay maaring magpadala ng mensahe, makipag-videocall, makapag-livestream o screenshare, magpatugtog, at marami pang iba! Sa katunayan ay maaari pang pagsabayin ang aking mga naunang nabanggit. Ipagpaumanhin at hindi ko gamay nang buo ang paggamit ng platapormang ito ngunit kung gusto mo pang malaman kung ano pa ang ibang gamit nito, maaaring tumungo sa link na ito:https://support.discord.com/hc/en-us/sections/201110577-FeaturesSa kabuuan, ang nais ko lang talagang iparating ay sobrang laki ng aking pasasalamat sa platapormang ito. Hindi ko aakalaing isang artifact ng kulturang popular ang isa sa mga nakaraos sa akin noong kasagsagan ng pandemiya. :)



"Tara, DC?"

ang ritrato sa itaas ay isa sa mga unang pagkakataon na aming ginamit ang platapormang Discord.ang mga tao na kabilang sa ritrato sa itaas (mga kaibigan ko) ay nagbigay ng pahintulot upang aking gamitin ang ritratong ito.